ANG TAGAPAG-SAGWAN
Palagi kitang nakikita doon. Nakaupo. Nag-iisip. Nakatingin sa kawalan tila parang may bumabagabag sa iyo. Kahit ganoon, alam kong hindi ko kailanman mababasa kung anong mga bagay ang umaandar sa iyong isipan. Hanggang ngayo'y nanghuhula pa rin ako kahit hindi ako sigurado kung bakit nga ba hinuhulaan ko ang nararamdaman mo para sa akin. Tama. Hindi ko talaga alam at kung pwede lang ay huwag ko nang malaman pa.
Hindi ko kilala kung sino ang gumagawa ng mga pagkakataong hindi ko sinasadyang mapalingon doon kung saan ka naroon. Matagal na ring panahon nang huli kong marinig ang iyong tinig na kumakausap sa akin dahil ako'y tila binging hindi naririnig ang iyong boses kapag ibang tao ang iyong kinakausap kahit sila'y napakalapit na sa akin.
Alam ko at sigurado akong hindi mo nakakalimutan ang araw na iyon. Isang espesyal na araw kung saan nagkayayaan ang buong barkadang mangisda sa batis na iyon. Sumama ako kahit hindi sigurado sa patutunguhan ngunit may malakas na akong kutob sa mangyayari at ayun nga, nadulas ako sa isang bato't natumba sa ibabaw mo. Hindi ko alam kung natuwa ka ba noon o nairita, hindi ko alam. Para lamang sa ako'y makahuli ng isda kaya ako sumama. Hindi nagtagal at nagpaalam lamang ang ating mga kalaro upang pumunta pa sa malayo. Ayaw ko nang pumunta doon, nakakatakot. Buti na lang at nandyan ka. Hindi ako sigurado ngunit tila napilitan ka lang na ihatid ako gamit ang bangka pauwi dahil sa tayong dalawa na lang ang natira doon. Sa bawat pagsagwan mo'y tila may naririnig akong mga ibong kumakanta. Sa hindi inaasaha'y biglang may tumalon na isang isda. Muli, hindi ko pa rin alam kung bakit mo ibinigay sa akin ang isdang iyon. Natutuwa ako sa tuwing naaalala ko ang itsura mo noong niyaya mo akong umuwi at sumakay sa bangkang iyon: nakangiti na parang nahihiya at ang mga kamay mo na tila nagyayaya sa akin upang sumakay na. Ngunit ayokong isipin na may ibig sabihin ang lahat ng ito at pinipilit kong itatak sa isip at puso na talagang napilitan ka lamang na gawin ang lahat ng iyon dahil alam kong ang mga kalaro nati'y nasa tabi-tabi lang at nanonood sa ating dalawa. Ayoko. Nahihiya ako. Nahihiya ako sa'yo. Sa kadahilanang iyon kaya hindi ako tumitingin sa iyong mga mata kahit ang mga sagwan ang tila nagpapalapit sa ating mga kamay. Puna ko ay nagtitilian na ang ating mga kalaro sa likod ng mga puno. Hindi ako sigurado sa dahilan kung bakit mo ako sinabihan ng pangalang pinang-aasar mo sa akin noong mga bata pa tayo - siguro ay para mawala iyong "atmospera ng ilangan". Itinago ko na lamang ang galak na aking nadama nang marinig ko muli ang iyong boses at halos nangungulila na ako samga pang-aasar mong iyon at sa halip ay tinarayan kita't belat ang ginawang sagot sa pang-aasar mong iyon. Tila hindi umaandar ang habang nagsasagwan ka sa batis na iyon: ako, nakatingin sa mga puno at minsa'y pinipigilan ang mga mata na sumilip para makita ang iyong mukha. Hiling ko sana'y walang hangganan ang batis na iyon at tumagal pa ang pagsasagwan mong iyon. Ngunit alam natin na ang lahat ay may katapusan at ang kaligayahan ay pansamantala lamang. Sunod noo'y ang pagsabi ko sayong itabi na lamang ang bangka sa isang tabi at ako'y maglalakad na lamang mag-isa. Hindi na kita tiningnan noon ngunit parang nakita kong ang iyong mga mata'y nagpapahayag na ihahatid mo na lamang ako hanggang sa bahay upang mas tumagal pa tayong magkasama...Teka. Ayoko ng ganito. Alam ko na lahat ng ito'y gawa-gawa ko lamang. Ayoko na. Tama. Dapat na itong wakasan, aking naisip, at ako'y tuloy-tuloy nang lumakad papalayo nang hindi lumilingon ni hindi man lang ako nagpaalam sa'yo at nagpasalamat sa araw, siguro'y para sa akin lamang, na pinaghatian natin. Tumakbo na ako papalayo tila nais kalimutan lahat ng mga nangyari sa maghapong iyon. Ayoko nang sumingit pa. Tama. At saka hindi ko naman ito ginusto lahat. Dapat hindi lahat nangyayari ang mga ito dahil imposible. Hindi dapat. Alam ko namang hindi ako ang gusto mo. Natatawa ako minsan sa tuwing bigla-bigla na lamang kita naiisip; ginugulat ako sa aking pagiisip-isip; tinatalisod ang tumatakbo kong isipan.
Huwag kang mag-alala. Kaibigan lang talaga ang turing ko sa'yo kahit hindi ako sigurado, hanggang ngayon, kung iyon lang ba talaga ang nararamdaman ko. Ngunit kahit ganoo'y nais ko sanang linawin na pipilitin kong mapigilan iyon na humigit pa at tuluyang mahulog ako sa bangin na puno ng tinik ang sarili ko. Huwag mo na sanang isiping ginagawa ko ang mga ito dahil may gusto ako sa'yo. Muli, nais kong linawin, ito'y simpleng paghanga lamang at KAIBIGAN lang. Tuldok. Tapos.
Kailanma'y hindi ko pinangarap na tumira ako dyan sa iyong isipan at kailanma'y hindi ko ginustong gawin ang lahat ng mga ginagawa ko ngayon. Ang hiling ko lamang ay maging kaibigan ka at wala nang iba pa nang hindi pinapansin ang mga panunukso ng ating mga kalaro. Nais ko'y sa bangkang iyo'y ika'y maging isang tagapag-sagwan lamang: hindi nagmamay-ari ng mga matang puno ng pag-aalala sa tuwing nakikita sa aking mga mata ang kaba kapag umaandar na ang bangka; hindi iyong nagmamay-ari ng mga kamay na handang umakay 'pag ako'y papasakay at pababa ng bangka. Tagapag-sagwan. Iyon lang. Hanggang doon lang.