<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d6918061857738386162\x26blogName\x3dxxxkEnnAxxx\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLUE\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://kennagarnet.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3den_US\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://kennagarnet.blogspot.com/\x26vt\x3d4605622109711285465', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe", messageHandlersFilter: gapi.iframes.CROSS_ORIGIN_IFRAMES_FILTER, messageHandlers: { 'blogger-ping': function() {} } }); } }); </script>
her LIFE
Thursday, October 09, 2008

ANG ANGHEL

Matagal na kitang kilala. Kilala sa pangalan, itsura at sa pananamit. Mahiyain ka noon. Nahihiya rin ako sa'yo kaya nagtatago na lamang ako sa likod ng mga ulap. Marami akong naririnig mula sa mundo mo na may gusto ka sa akin kahit alam mong ako'y pantasya lamang tulad ng mga sinasabi ng iyong mga kaibigan. Natutuwa ako sa'yo. Dala na rin siguro ng iyong murang isip kaya't inibig mo ako ng ganun katagal. Naging manhid ako at alam kong nagkamali ako. Ginawa kong biro ang lahat ng iyon. Patawarin mo sana ako.


Halos lumalabo na rin siguro ang kulay ng iyong mga mata, ang iyong buhok, ang iyong buong itsura. Matagal-tagal na rin yun: noong huli kong makita ang iyong itsura. Nabulag kasi ako. Hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit bigla na lamang dumilim ang aking buong paligid, ngunit malakas ang kutob ko na alam mo ang dahilan nito. Sa aking pagkabulag na iyon. Alam kong nakalimutan mo na ako. Kung kailan naman tila nararamdaman kong nabubura na ako sa puso mo ay saka ko napagtanto na parang may nararamdaman na ako para sa iyo. Ngunit kahit ganoo'y hindi pa rin ako sigurado dito. Sana'y muli akong makakita upang sa gayo'y masilip man lamang kita mula sa likod ng mga ulap.

Sa wakas, nagkaroon na rin ako ng pagkakataon na makababa diyan sa lupa. Hindi ko inaasahang magkakaroon pa ako ng pagkakataong makasama kang muli kahit wala akong nakikita at tinig mo lamang ang tangi kong naririnig. Masaya na ako dun. Simula ng araw na iyon. tuloy-tuloy na ang pagka-usap mo sa akin at sobra-sobrang kasiyahan ang aking nadarama. Unti-unti, sa tingin ko, ay nakikilala na kita, hindi lamang sa iyong pangalan, itsura at pananamit, kung hindi'y pag-uugali't kakulitan mo rin. Nais kong hindi na sana magwakas ang mga araw na iyon. Isa-isa kong sinusulat ang lahat ng mga sinasabi't kinukwento mo sa akin upang kapag dumating ang araw na ako'y magpaalam na ay hindi kita malimutan: ang mga pagbibiro mong may mga pahiwatig ay sadya kong hahanap-hanapin. Hindi nagtagal ay nalaman ko rin ang bagay na iyon. Ang bagay na nais kong malaman ngunit ayaw kong pakinggan. Nais kong malaman upang habang maaga pa'y makita ko na ang taling papatid sa akin pagdating ng panahon at ayaw kong pakinggan dahil masakit (siguro). Nalaman ko't nakilala ang taong inibig mo ng lubos noong ako'y nabubura na sa iyong puso. Ipinakilala mo siya sa akin at ako nama'y nakinig sa iyong mga kwento. Ikunuwento mo iyon sa akin ngunit sabi mo'y hindi mo alam ang dahilan kung bakit mo sa akin iyon kinukwento. Nakinig ako. Alam kong iyon lamang ang tangi kong magagawa. Bulag na ako at alam kong wala na akong pag-asa upang ako'y muling ibigin mo. Nagulat ako nang sinabi mong nasasaktan ka. Alam kong minahal mo siya ngunit bakit ganoon? Tinuruan ka niyang umibig sa kanya ngunit hindi ka man lang tinuruang pagalingin ang mga sugat na iyong tinamo bunga ng pagmamahal mo sa kanya. Sinabi mo sa akin na sana ako ang makatulong sa iyong hipan ang hapdi ng mga sugat na iyon. Kung alam mo lang kung gaano ko ninais na tulungan ka ngunit paano? Ako'y simpleng bulag lamang, walang magagawa upang ika'y matulungan. Sana'y kahit isang araw man lang ay makita kita; muling maibalik ang malinaw na larawan ng iyong mukha, ng iyong itsura. Isang araw lang ang aking hinihiling at sana'y matupad.

Nagising ako tila kinakabahan at hindi makahinga. Tila ako'y nananaginip. Nahahawakan ko na ang aking braso. Napnsin kong ako'y tao na! Makulay, napakamakulay na muli ng buong paligid! O laking tuwa ko na nakakita muli ako kahit alam kong pansamantala lamang ito. Ilang minuto ang nilipas ng aking kagalakan at ito'y natapos rin, pagkatapos, ako muli ay nalungkot. Makikilala mo kaya ako o sadyang dadaanan lang at wala na? Pinuntahan kita, umaasang mahawakan man lang ang iyong mga kamay ngunit anong nangyayari sa akin? Ayaw kitang tingnan. Malapit na ako sa'yo ngunit bakit ako natatakot? Bakit nagtatago pa rin ako ako tulad ng dati? Tama ang hinala ko. Hindi mo nga ako pinansin. Pilit kong tinawag yung taong nasa tabi mo kahit hindi ako handa sa susunod na mangyayari ngunit ni isang ikot ng iyong ulo'y hindi ko napansin. Tama. Hindi mo ako kilala. Natapos ang araw na ako'y lumuluha at nasa huling oras na nang ako muli'y pumikit at dumilat ng walang nakikita. Bulag na naman ako, alam ko.

Ganito na lamang ba? Magiging bulag na lamang ba ako habang buhay?..........Teka. Bakit ba? Hindi na ba ako nakuntento na ako'y nakababa na at kasama mo dito sa lupa? Hindi na ba ako nakuntento na kahit papaano'y nakakausap kita at naririnig kahit wala akong nakikita? Hindi na ba ako nakuntento sa isang araw na iyon na muli kong nasilayan ang iyong mukha? Hindi na ba ako nakuntento sa pagiging isang kaibigan lamang at umaasa na muling luminaw ang aking pangalan diyan sa puso mo?

Pero, ayokong umasa dahil alam kong mahal mo pa rin siya kahit ilang beses ka na niyang sinaktan. Wala na akong magagawa doon. Ayaw ko na siguro. Tama. Nakapagdesisyon na ako. Ngunit hindi ako sigurado kung ito ba'y magbabago dahil tumatakbo ang oras at sa bawat paggalaw ng mga kamay sa orasan ay may mga bagay na nagbabago. Kahit gayon, nais ko sanang linawin. Nandito lang ako sa tuwing ako'y kailangan mo. Nandito lang ako para makinig sa mga hikbing iniiyak mo, sa mga tawang hinahalakhak mo. Tandaan mo, nandito lang ako, ang bulag na anghel na handang dumamay sa'yo.
Wednesday, October 08, 2008

ANG TAGAPAG-SAGWAN

Palagi kitang nakikita doon. Nakaupo. Nag-iisip. Nakatingin sa kawalan tila parang may bumabagabag sa iyo. Kahit ganoon, alam kong hindi ko kailanman mababasa kung anong mga bagay ang umaandar sa iyong isipan. Hanggang ngayo'y nanghuhula pa rin ako kahit hindi ako sigurado kung bakit nga ba hinuhulaan ko ang nararamdaman mo para sa akin. Tama. Hindi ko talaga alam at kung pwede lang ay huwag ko nang malaman pa.


Hindi ko kilala kung sino ang gumagawa ng mga pagkakataong hindi ko sinasadyang mapalingon doon kung saan ka naroon. Matagal na ring panahon nang huli kong marinig ang iyong tinig na kumakausap sa akin dahil ako'y tila binging hindi naririnig ang iyong boses kapag ibang tao ang iyong kinakausap kahit sila'y napakalapit na sa akin.

Alam ko at sigurado akong hindi mo nakakalimutan ang araw na iyon. Isang espesyal na araw kung saan nagkayayaan ang buong barkadang mangisda sa batis na iyon. Sumama ako kahit hindi sigurado sa patutunguhan ngunit may malakas na akong kutob sa mangyayari at ayun nga, nadulas ako sa isang bato't natumba sa ibabaw mo. Hindi ko alam kung natuwa ka ba noon o nairita, hindi ko alam. Para lamang sa ako'y makahuli ng isda kaya ako sumama. Hindi nagtagal at nagpaalam lamang ang ating mga kalaro upang pumunta pa sa malayo. Ayaw ko nang pumunta doon, nakakatakot. Buti na lang at nandyan ka. Hindi ako sigurado ngunit tila napilitan ka lang na ihatid ako gamit ang bangka pauwi dahil sa tayong dalawa na lang ang natira doon. Sa bawat pagsagwan mo'y tila may naririnig akong mga ibong kumakanta. Sa hindi inaasaha'y biglang may tumalon na isang isda. Muli, hindi ko pa rin alam kung bakit mo ibinigay sa akin ang isdang iyon. Natutuwa ako sa tuwing naaalala ko ang itsura mo noong niyaya mo akong umuwi at sumakay sa bangkang iyon: nakangiti na parang nahihiya at ang mga kamay mo na tila nagyayaya sa akin upang sumakay na. Ngunit ayokong isipin na may ibig sabihin ang lahat ng ito at pinipilit kong itatak sa isip at puso na talagang napilitan ka lamang na gawin ang lahat ng iyon dahil alam kong ang mga kalaro nati'y nasa tabi-tabi lang at nanonood sa ating dalawa. Ayoko. Nahihiya ako. Nahihiya ako sa'yo. Sa kadahilanang iyon kaya hindi ako tumitingin sa iyong mga mata kahit ang mga sagwan ang tila nagpapalapit sa ating mga kamay. Puna ko ay nagtitilian na ang ating mga kalaro sa likod ng mga puno. Hindi ako sigurado sa dahilan kung bakit mo ako sinabihan ng pangalang pinang-aasar mo sa akin noong mga bata pa tayo - siguro ay para mawala iyong "atmospera ng ilangan". Itinago ko na lamang ang galak na aking nadama nang marinig ko muli ang iyong boses at halos nangungulila na ako samga pang-aasar mong iyon at sa halip ay tinarayan kita't belat ang ginawang sagot sa pang-aasar mong iyon. Tila hindi umaandar ang habang nagsasagwan ka sa batis na iyon: ako, nakatingin sa mga puno at minsa'y pinipigilan ang mga mata na sumilip para makita ang iyong mukha. Hiling ko sana'y walang hangganan ang batis na iyon at tumagal pa ang pagsasagwan mong iyon. Ngunit alam natin na ang lahat ay may katapusan at ang kaligayahan ay pansamantala lamang. Sunod noo'y ang pagsabi ko sayong itabi na lamang ang bangka sa isang tabi at ako'y maglalakad na lamang mag-isa. Hindi na kita tiningnan noon ngunit parang nakita kong ang iyong mga mata'y nagpapahayag na ihahatid mo na lamang ako hanggang sa bahay upang mas tumagal pa tayong magkasama...Teka. Ayoko ng ganito. Alam ko na lahat ng ito'y gawa-gawa ko lamang. Ayoko na. Tama. Dapat na itong wakasan, aking naisip, at ako'y tuloy-tuloy nang lumakad papalayo nang hindi lumilingon ni hindi man lang ako nagpaalam sa'yo at nagpasalamat sa araw, siguro'y para sa akin lamang, na pinaghatian natin. Tumakbo na ako papalayo tila nais kalimutan lahat ng mga nangyari sa maghapong iyon. Ayoko nang sumingit pa. Tama. At saka hindi ko naman ito ginusto lahat. Dapat hindi lahat nangyayari ang mga ito dahil imposible. Hindi dapat. Alam ko namang hindi ako ang gusto mo. Natatawa ako minsan sa tuwing bigla-bigla na lamang kita naiisip; ginugulat ako sa aking pagiisip-isip; tinatalisod ang tumatakbo kong isipan.

Huwag kang mag-alala. Kaibigan lang talaga ang turing ko sa'yo kahit hindi ako sigurado, hanggang ngayon, kung iyon lang ba talaga ang nararamdaman ko. Ngunit kahit ganoo'y nais ko sanang linawin na pipilitin kong mapigilan iyon na humigit pa at tuluyang mahulog ako sa bangin na puno ng tinik ang sarili ko. Huwag mo na sanang isiping ginagawa ko ang mga ito dahil may gusto ako sa'yo. Muli, nais kong linawin, ito'y simpleng paghanga lamang at KAIBIGAN lang. Tuldok. Tapos.

Kailanma'y hindi ko pinangarap na tumira ako dyan sa iyong isipan at kailanma'y hindi ko ginustong gawin ang lahat ng mga ginagawa ko ngayon. Ang hiling ko lamang ay maging kaibigan ka at wala nang iba pa nang hindi pinapansin ang mga panunukso ng ating mga kalaro. Nais ko'y sa bangkang iyo'y ika'y maging isang tagapag-sagwan lamang: hindi nagmamay-ari ng mga matang puno ng pag-aalala sa tuwing nakikita sa aking mga mata ang kaba kapag umaandar na ang bangka; hindi iyong nagmamay-ari ng mga kamay na handang umakay 'pag ako'y papasakay at pababa ng bangka. Tagapag-sagwan. Iyon lang. Hanggang doon lang.